Season One

A001 2020

Hating-gabi, nagising ako sa tahol ng isang aso at alam ko na kung ano iyon.

Si Spot humihingi na naman ng pagkain tulad nang hilig niyang gawin nung siya’y nabubuhay pa.”

A002 2020

Pagpasok ko sa kwarto, nakita ko na nakaupo ang kapatid ko sa aking kama. Tatanungin ko sana siya kung ano ang ginagawa niya sa kwarto ko, ngunit pagbukas ko ng ilaw, wala na siya.”

A003 2020

Tatlo kaming magkakaibigan; puro babae kami na nag-slumber party nung gabing iyon. Masayang nagtatawanan nang magulantang kami nung may narinig kaming boses ng isang lalaki na nakikitawa sa amin.”

A004 2020

Bago matulog, dadaan ako sa kwarto ng anak kong babae; tulog na siya at maayos naman ang lagay niya. Hinalikan ko siya sa noo tulad nang lagi kong ginagawa, pero paglabas ko sa kwarto niya nakita ko ulit siya. Nakatayo siya sa pasilyo–nanginginig sa takot.”

A005 2020

Pagpasok ko sa kwarto nakita kong tulog na ang asawa ko; humalik lang ako at ako’y nahiga na rin. Tumalikod ako sa kanya nang makita kong bumukas ang pintuan ng banyo at lumabas ang asawa kong bagong paligo.”

A006 2020

“Si Muning, maingay na naman–ganoon siya kapag gabi at naisip niyang lumabas ng bahay, kaya bumaba muna ako at pinalabas ko muna siya. Pag-akyat ko, sa may bandang paanan ng kama ko–tulog na tulog na nakabalumbon na parang bola si Muning.”

A007 2020

Ilang araw na akong nagigising sa umaga na misteryosong nakabukas ang aking kompyuter. Hindi ko alam na ako pala ang nagbubukas, ayon sa mismong webcam nito”

A008 2020

Walang mintis–tuwing makikita ako ng apo kong anim-na-buwang gulang pa lamang, hahagikhik siya nang napakalakas. Ako nama’y di-mapigilang mapatawa rin; sana nga lang, nakikita rin ako ng buong pamilya ko.”

A009 2020

Unang-una, makakatanggap ako ng text mula sa panganay ko: ‘Happy 50th Birthday, Pa!’ at kasunod nun, aatakihin na ako sa puso. Paano ko kaya matatakasan ito?”

A010 2020

Kamakailan lang, nahiligan ng lola ko umupo sa tapat ng bintana ng apartment ko tuwing alas-sais ng gabi na may dinudungaw-dungaw siya sa labas–inaabangan daw niya ang araw-araw na pagdaan ng isang napakagwapong lalaki na nakasakay sa kabayo. Ang apartment ko ay nasa 7th floor.”

A011 2020

May mga makababalaghang nangyayari sa Diplomat Hotel sa Baguio. Minumulto daw ito ayon sa katiwala na nakausap ko–ayon sa ‘katiwalang’ hindi ko na nalaman kung saan na nagpunta.”

A012 2020

Lahat ng ginagawa niya ay kasama niya ako, at lahat ng ginagawa ko ay kasama ko siya–malapit kami sa isa’t isa ng kapatid ko. Sampung-taong gulang ako nung nalaman ko na nag-iisang anak lang pala ako.”

A013 2020

Lumabas kaming mga magkakaibigan at naiwan ko ang aking telepono sa bahay. Kinabukasan, nakita ko itong puno ng litrato naming mga magkakaibigan nung nakaraang gabi.”

A014 2020

Ugaling-ugali na ng anak ko na hiramin ang telepono ko habang nagmamaneho ako pauwi galing sa eskwelahan. Dalawa lang kami palagi sa kotse, kaya nagulat ako nang makakita ako ng litrato niya na natutulog.”

A015 2020

Nung oras na iyon, nahihibang akong natagpuan ang sarili kong naglalakad-lakad sa sementeryo ng hating-gabi nang lumapit saakin ang isang matandang lalaki na nagpakilalang sepulturero. Hinatid niya ako sa aking puntod at sinabi: ‘Masasanay ka rin.'”

A016 2020

Napadaan ako nuon sa kwarto ng kapatid ko at iyon ang unang beses kong naaninag ang sarili ko sa salamin ng kanyang tokador. Dahil sa anggulo ng salamin, imposible mangyari iyon.”