"Susi"

Maikling Kwentong Kababalaghan | Ghosted Ghost Stories | Ep003S001

Papaalis kami ng asawa ko nung araw na iyon, napagtanto ko na nakalimutan ko ang aking susi sa bahay. Hiniram ko muna ang susi ng asawa ko at pumasok muli ako sa aming tahanan.

Pagpasok ko, yung pakiramdam ba na kapag huli kang umalis sa iyong bahay na lahat ay tahimik na tahimik–parang ganuon, pero may naramdaman akong kakaiba at di-pangkaraniwan. Ang hangin ay mamasa-masa kumpara nung umalis kami–na iilang minuto lamang ang nakakalipas. Para bang may naglaba ng kanilang karpet at isinampay ito sa aming sala–amoy basang basahan.

Nakatayo ako sa tabi ng sabitan namin ng mga susi na nasa gilid lamang ng aming pintuan nang napansin kong may gumalaw sa aking bandang kanan.

Marahil isang aso ang nakapasok sa aming bahay (isang basang aso)–tila’y kaparehong laki, sa tantya ko.

Pahakbang na ako upang hanapin yung aso, nang biglang nakita ko ulit ito. Ngunit, sa pangalawang pagkakataon, ito ay kasing tangkad ko na. Para itong isang napakaitim na ulap na lumipad palabas mula sa pintuan ng banyo namin papunta sa aming kusina. Ito na ang pinakamalalim na kulay itim na nakita ko sa buong buhay ko.

Hindi ako naniniwala sa mga multo. Nakaramdam ako ng takot dahil ang nasa isip ko ay baka ako’y nabubulag na. Nagsimula mabulag ang nanay ko sa halos kaparehong edad ko nung panahon na yun. Ngayon, siya ay ganap na bulag na.

Hawak-hawak ang susi, napansin ko na lang na ako’y napaupo na pala sa sofa at napaiyak. Nakita kong pumasok ang aking asawa at napansin din niya ang kakaibang kahalumigmigan sa loob ng bahay namin.

Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha, hinawakan niya ang aking braso kasabay ang tanong: “Nakita mo rin ba?”