"Nanay"

Maikling Kwentong Kababalaghan | Ghosted Ghost Stories | Ep004S001

Nagising siya sa isang kulog. Brownout. Bukod sa ingay na dulot ng malakas na ulan, may kakaibang katahimikan sa loob ng kanyang silid.

Tinignan niya ang kanyang orasan; halos oras na pala para bumangon.

Halos dalawang linggo na siya gabi-gabing binabangungot at hindi na sapat at maayos ang nakukuha niyang tulog.

Sa kanyang panaginip, nadadatnan niya ang kanyang sarili na nakahiga sa kama na bagong gising at paulit-ulit na tinatawag siya ng kanyang nanay(na isang normal lamang na senaryo tuwing umaga). Anuman ang dahilan ng nanay niya, hindi ganun kahaba ang kanyang panaginip para malaman niya. Pero ang mga sumunod na bagay na kanyang naalala ay kasindak-sindak at kakila-kilabot.

Ang tinig ng kanyang nanay ay unti-unting nagiiba. Mula sa isang napaka-pamilyar, mapagmahal, at malumanay na tono hanggang sa isang malalim na kahindik-hindik na tinig na tila ba’y may bahid ng kasamaan at maitim na hangarin – paulit ulit na binabanggit ang kanyang pangalan. At, bigla na lang magwawakas at mapuputol ang kanyang bangungot.

Umupo na siya sa kanyang kama, iniisip niya na kahit medyo maaga pa, babangon na siya. Papatayo na sana siya nang nakabig niya ang isang karton na nakapatong sa kanyang lamesa sa tabi lamang ng kanyang kama. Ito’y kumalabog, at siya namang tawag ng kanyang nanay na para bang nasa kusina sa ibaba: “Laura!”

Tumayo siya at sasagot sana sa tawag ng kanyang nanay, nang may humawak sa kanya sa braso at sinabi: “Dito ka lang–huwag kang bababa!”

Nakasiksik sa ilalim ng lamesa niya, ay ang kanyang nanay na nanginginig sa takot!