"Kora"

Maikling Kwentong Kababalaghan | Ghosted Ghost Stories | Ep002S001

Nagising ako at ang aking asawa sa isang nakapangingilabot na hiyaw.

“Si Kora!” pabiglang sigaw ng asawa ko.

Agad-agad akong napatayo, at habang paika-ika akong papunta sa silid ng aming anak na babae na may tungkod sa aking kamay, isang napakalakas na kidlat ang nagpaliwanag sa madilim na pasilyo namin. May bagyo nang gabing iyon.

Kasabay sa tunog ng kulog, balisa akong pumasok sa kanyang silid at nakita ko siya, si Kora, nakaupo sa harap ng kanyang salamin at tahimik na mahinahong sinusuklay ang kanyang mahabang buhok.

Naguguluhan, tinanong ko siya kung siya ba ang narinig naming sumigaw. Ngumiti lamang siya at umiling-iling.

Napansin kong bahagyang nakabukas ang kanyang bintana, kaya’t pumasok ako nang tuluyan sa kanyang silid upang isara ito; Iniwan ko ang aking dalang tungkod sa may pintuan.

Nang ako ay palabas na, litong lito parin sa mga bagay-bagay, pilit na sinusubukan na bigyan ng kahulugan ang mga pangyayari nung mga sandaling iyon, tumayo siya at nahiga sa kanyang kama–handang matulog. Tinanong ko siya kung gusto niya bang iwan ko nang bukas ang kanyang pintuan, at muli, ngumiti lamang siya at umiling-iling.

Papalabas na ako ng kanyang silid nang napansin kong nakasara ang pintuan ng banyo; lagi niya itong pinananatiling bukas tuwing gabi. Binuksan ko ito at nang abutin ko ang switch upang buksan ang ilaw, may humawak sa aking braso at hinila ako papasok ng banyo.

Ang aking anak na si Kora: “Shhh! Tay, huwag po kayong maingay,” ani niya.