"Buko Pie"

Maikling Kwentong Kababalaghan | Ghosted Ghost Stories | Ep008S001

Pangkaraniwan na saakin at sa aking kaibigan na magtungo sa Los Baños, Laguna minsanan sa isa o dalawang linggo upang magpahingalay sa isa sa mga maiinit na bukal doon.

Kadalasan, bago namin lakbayin ang dalawang oras na biyahe pauwi ay dadaan muna kami sa Colette’s para bumili ng paborito naming Buko Pie.

Alas-singko pa lang ng hapon ngunit kataka-takang madilim na ang kalangitan. Naisip namin na baka uulan, kaya nagmadali kami ng kaunti.

Nasa counter na kami ng Colette’s at mag-oorder na sana nang biglang lumapit saamin ang isa sa mga kahera. May inabot saamin na isang kahon ng Buko Pie at sinabi saamin: “Ito, nakalimutan ninyo–salamat!”

“Nagkakamali kayo,” sagot ng kaibigan ko. “Kadarating lang po namin.”

Nagkibit-balikat lang ang kahera at nagpatuloy na siya sa pagkuha ng aming mga order(tatlong kahon).

Tumuloy na kami.

Sa amoy ng Buko Pie sa loob ng kotse, tinakam na kaagad ang aking kaibigan. Aktong kukunin niya ang isang kahon nang natanto niya na dadalawa lamang ang mga ito. Masyado kaming nagmadali na wala, ni isa, sa amin ang nagkapuna kung nakuha ba namin nang tama ang aming mga order o hindi.

“Kita mo nga naman,” sabi ng kaibigan kong tawa nang tawa. “Nakalimutan talaga natin yung isang karton.”

Tawa na kami nang tawa.

Bumalik kami sa Colette’s–agad naming nakita yung kaherang lumapit saamin. Kumakaway siya at hawak-hawak niya ang isang kahon ng Buko Pie na sa tingin namin ay yung isang kahon na nakalimutan namin.

Habang iniabot niya ang kahon, pailalim siyang nakatingin sa amin na parang tumatagos: “Sinabi ko na sainyong nakalimutan niyo ito,” binulong niya saamin.