"Kaarawan"

Maikling Kwentong Kababalaghan | Ghosted Ghost Stories | Ep007S001

Ito ang kwento ng kaarawan kong hindi ko malilimutan.

Hindi lamang na ako ay mag-aapatnapung taong gulang na nun, ako at ang aking pamilya ay nagdiriwang din nung araw na iyon ng aking promosyon; kasabay nito ang bagong kotse at ang pagkakataon na makalipat kami sa isang bago at sarili na naming bahay.

Ang aking pamilya, kasama ang ilang malalapit na kaibigan ay nagdiwang–nakalulugod makita na lahat nama’y mukhang nagkakasiyahan nung oras na iyon.

Natatandaan ko na kasalukuyang hihipan ko na sana ang kandila ng aking keyk nang biglang nag-ring ang telepono sa bahay–ang aming ‘landline’. Malamang ito’y para saakin din naman kaya tumayo muna ako saglit at sinagot ko ito.

Walang sumasagot.
“Jun, Sino yan?” Tanong ng asawa ko.

Matapos ang ilang ulit kong pag-‘hello?’, sa wakas may sumagot din.

Sa ingay namin sa bahay, halos hindi ko marinig yung nasa kabilang linya.

“Maligayang Kaarawan,” ang bati ng kakaibang boses ng isang lalaki at agad kong narinig na ibinababa na niya ito.

Hindi ko maintindihan, pero mayroong hindi normal sa boses na narinig ko–para bang narinig ko siya sa loob ng isip ko. Pero, dahil sa ingay ng aming kasiyahan sa bahay ito ay agad kong nakalimutan at nagpatuloy ang pagdiriwang.

Kinabukasan (Lunes), pumasok ako sa aking trabaho. Nakaramdam ako ng hindi maganda sa tiyan ko, marahil dahil sa dami ng keyk na kinain ko nung nakaraang araw.

Sa sandaling nalaman kong pinayagan ako ng boss ko umuwi para magpahinga, tinawagan ko kaagad ang aking asawa. Ngunit, isa na namang hindi ko kilalang boses ng lalaki ang sumagot sa telepono–baka naman ibang bahay ang natawagan ko.

Ibababa ko na sana yung telepono nang isang boses naman ng babae sa kabilang linya ang sumigaw: “Jun, sino yan?”